Naniniwala ang grupong Mayors for Good Governance na ang panukala ni PBBM na idaan muna sa mga lokal na pamahalaan ang pag-approba sa mga national project ay magtitiyak para sa maayos na akmang paggamit ng public funds.
Ayon sa grupo, isang welcome development ang naging pronouncement ng pangulo, dahil magiging daan din ito para sa aktibong partisipasyon ng mga lokal na pamahalaan sa implementasyon ng mga proyektong pinundohan ng national government.
Katwiran ng grupo, ang mandato ng mga lokal na lider ng bansa ay nakabatay sa mga nangyayari sa araw-araw at sa reyalidad sa mga komunidad.
Mahabang panahon umano na ang mga proyekto ay pinaplano at ipinagpipilitang itayo nang hindi naiintindihan ang mandato ng mga lokal na pamahalaan, na kalimitang nagreresulta sa nawawala at nasasayang na resources.
Nagdudulot din ito ng misplaced priorities, at kinalaunan ay korupsyon.
Kasabay nito ay umapela ang grupo sa mga national agency, lalo na ang Department of Public Works and Highways, at sa mga mambabatas, na tiyaking may sapat at maayos na mekanismo para sa mga lokal na pamahalaan sa kanilang pagnanais na magkaroon ng bukas, at may pananagutang paggasta sa pondo ng bansa para sa ikabubuti ng buhay ng mga mamamayan.