-- Advertisements --

Wala pang desisyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa hirit na P1.00 na taas pamasahe ng mga transport group.

Nagsagawa ng pagdinig sa LTFRB para nationwide fare adjustment na inihain ng mga grupong kinabibilangan ng Pangkalahatang Sanggunian Manila and Suburbs Drivers Association Nationwide (Pasang Masda), Alliance of Transport, Operators, at Drivers’ Association of the Philippines, at Alliance of Concerned Transport Organization.

Ilan sa mga ipinunto ni Atty. Veronica Soriano ang abogado ng mga petitioner na huling napagbigyan sila ng P1 na taas pasahe ay noon pang Oktubre 2023.

Kulang din ang fuel subsidy na ibinibigay ng gobyerno, patuloy na pagtaas ng presyo ng mga petrolyo at pagtaas ng operational at maintenance expenses.

Sinabi naman ni Atty. Teofilo Guadiz III ang LTFRB Chairman, na dapat magkaroon ng solidong pag-aaral ang grupo ukol sa alegasyon na kulang ang fuel subsidy program ng gobyerno.

Dahil dito ay sinabi ng LTFRB chairman na magpupulong ang kanilang board at maglalabas ng resolusyon kung aaprubahan o ibabasura ang hirit na taas pasahe ng mga transport group.