Sinabi ng Department of Education (DepEd) na layon ng Expanded Career Progression (ECP) System na tugunan ang matagal nang problema ng mga guro sa pampublikong paaralan, ang kakulangan ng promosyon para sa mga nais manatiling nagtuturo at hindi lumipat sa administratibong posisyon.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, pinapayagan ng Expanded Career Progression (ECP) ang mga guro na umangat sa ranggo at sahod habang nagpapatuloy sa pagtuturo at mentoring. Kinikilala rin nito ang instructional leadership na matagal nang ginagampanan ng mga guro sa mga paaralan.
Sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP), may dalawang career track: Classroom Teaching (CT) at School Administration (SA). Sa CT track, maaaring umangat ang guro mula Teacher I hanggang Teacher VII at Master Teacher I hanggang Master Teacher V nang hindi iniiwan ang silid-aralan.
Ayon sa DepEd, layunin ng sistema na iayon ang promosyon sa aktuwal na gawain ng mga guro at bigyan sila ng mas malinaw at makatarungang landas sa kanilang karera. (report by Bombo Jai)
















