-- Advertisements --

Pumalo na sa halos 796,000 na mga Pilipino, kabilang ang mga guro at mag-aaral, ang matagumpay na nakatapos ng pagsasanay sa Artificial Intelligence (AI) sa ilalim ng AI Ready ASEAN Programme.

Ito ang naging sentro ng ulat kasabay ng pakikibahagi ng Department of Education (DepEd) sa katatapos lamang na 3rd Regional Policy Convening sa Pasig City nitong Lunes.

Dahil sa positibong resulta, target ngayon ng DepEd na mas paigtingin pa ang pakikipagtulungan sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Layunin ng pinalakas na kolaborasyon na mapabilis ang integrasyon at paggamit ng AI sa sektor ng basic education sa bansa.

Ayon sa kagawaran, ang paggamit ng nasabing teknolohiya ay inaasahang makatutulong upang maging mas epektibo ang pagkatuto ng mga estudyante.

Maliban dito, tinitignan din itong solusyon upang mapagaan ang administrative tasks at pang-araw-araw na trabaho ng mga guro.

Sa nasabing pagpupulong, humarap ang DepEd sa iba’t ibang education leaders, digital policymakers, at development partners upang ibida ang Project AGAP-AI.

Ang naturang proyekto ang nagsisilbing pangunahing inisyatiba ng pamahalaan para sa responsableng paggamit ng makabagong teknolohiya sa mga paaralan.