Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na kaya pa niyang gampanan ang tungkulin niya sa bansa bilang pangulo.

Kasunod ito nang kumalat na balita na mayroon siyang malubhang sakit.

Duterte

Sa kaniyang national address nitong Lunes ng gabi, sinabi ng pangulo na walang anumang sakit na pipigil sa kaniya para hindi gampanan ang kaniyang trabaho.

Ipinagmalaki pa nito na kaya pa nitong maglaro ng golf at magmotor.

Hinamon pa nito ang mga humihiling na magkasakit siya na “laliman pa nila ang kanilang pagdarasal.”

“Noong nawala ako ng ilang araw talagang sinadya ko ‘yon,” ani Duterte. “Pag kinakalkal mo ako lalo akong, ‘yong parang bata, pagkalalo mo akong kinakantsawan lalo akong gagana.”

Magugunitang ilang araw na hindi nakita sa publiko ang pangulo kaya marami ang naghinala na ito ay dinapuan ng sakit.

Matapos naman ang ilang araw ay nag-post sa kaniyang social media si Senator Bong Go ng mga larawan na naglalaro ng golf, nagmo-motor at nag-jo-jogging pa ang pangulo para pasinungalingan ang lumabas na balita na mayroong sakit ito.