-- Advertisements --

Tumaas sa US$69.3 bilyon (P3.88 trilyon) ang net external liability ng Pilipinas sa pagtatapos ng Marso 2025, mas mataas kaysa US$65.5 bilyon (P3.67 trilyon) noong Disyembre 2024.

Ito ay bunsod ng mas mabilis na pagtaas ng foreign investments sa Pilipinas kaysa sa pondong inilagak ng bansa sa ibang bansa.

Naitala ang kabuuang external debt sa US$326.8 bilyon (P18.31 trilyon) habang ang panlabas na asset ay nasa US$257.5 bilyon (P14.42 trilyon).

Sa taunang data ay lumobo ng 17.2% ang net external liability mula US$59.1 bilyon (P3.31 trilyon) noong Marso 2024.

Pinakamalaking bahagi ng foreign investments (56.1%) ay napunta sa “other sectors” tulad ng mga pribadong korporasyon, households at non-profit.

Samantala, ang Bangko Sentral ng Pilipinas pa rin ang may pinakamalaking bahagi (43.3%) sa pondong inilalaan ng bansa sa mga dayuhang asset.