-- Advertisements --

Naglabas ang kataas-taasang hukuman ng ‘writ of kalikasan’ kontra sa isang multi-billion peso bridge project na pinangungunahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Kung saan inisyu nito ang naturang desisyon kaugnay sa petisyong inihain kamakailan ng kilusang Sustainable Davao Movement o SDM kasama ang ilan pa.

Nais kasi ng mga petitioner na mapatigil ang konstruksyon ng proyekto dahil sa ito’y makakaapekto umano sa bahagi ng malaking look ng Davao City.

Anila’y makapagdudulot din ito ng pagkamatay sa mga coral reefs at maging na rin sa Marine ecosystem ng Paradise Reef, Samal Island at Hizon Marine Protected Area.

Kaya’t kanilang itinuturing ang proyekto na banta pati sa mga lokal na komunidad na siyang tanging nakadepende lamang doon ang kabuhayan.

Sa ginanap na pulong balitaan ng Korte Suprema na ating personal na dinaluhan, inihayag mismo ni Spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting ang insyung Writ of Kalikasan.

Dito niya ibinahagi ang respondents na mga sumusunod, Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Samal Island Protected Landscape and Seascape Protected Area Management Board at ang China Road and Bridge Corporation.

Dahil rito’y ipinag-uutos ng Korte Suprema ang mga nabanggit na maghain ng verified return hinggil sa petisyon sa loob ng sampung araw pagkatapos matanggap ang dokumento.

Dagdag pa ng naturang tagapagsalita, ini-refer ng Korte Suprema sa Court of Appeals-Cagayan De Oro ang kasamang ‘prayer’ ng mga petitioner para sa Temporary Environmental Protection Order.

Kung saan nakasaad dito na layong mapatigil ang pagpapagawa sa nasa 4-kilometrong proyektong tulay ng DPWH, DENR at isang China Corporation.

Ang naturang proyekto ay pinaglaanan ng pondong aabot sa P23 billion na inaasahan sana kung magagawa ay mapabilis ang travel time mula Samal tungo Davao City ng 5 minute lamang.

May haba ito na 4-kilometro na siyang sinasabing ang malaking bahagi nito sa gagastusin ay pinondohan o iniutang sa bansang China.