Mahigpit na ipinatupad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Anti-Epal policy sa buong bansa.
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 2026-006, inatasan ang lahat ng lokal na pamahalaan at tanggapan ng DILG na agad alisin ang pangalan, larawan, logo, slogan, at anumang simbolo ng mga opisyal sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno.
Binigyang-diin ni Interior Secretary Jonvic Remulla na ang mga proyekto ay mula sa buwis ng mamamayan at hindi dapat gawing personal na billboard ng mga politiko. Iginiit ng DILG na ang public office ay public trust, at ang paggamit ng pondo para sa sariling pagpapalakas ng imahe ay labag sa Konstitusyon, Code of Conduct, at patakaran ng Commission on Audit.
Pinalakas pa ito ng 2026 General Appropriations Act na tahasang nagbabawal sa paglalagay ng pangalan at larawan ng opisyal sa mga proyektong pinondohan ng publiko.
Inatasan ang lahat ng opisyal na agad ayusin at alisin ang mga materyales na hindi sumusunod, at pananagutin ang mga pinuno ng tanggapan sa pagsunod.
Kasabay nito, muling nanawagan ang DILG at si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panatilihing malinis sa epal at personalidad branding ang lahat ng proyekto ng pamahalaan, at hinikayat ang publiko na ireport ang mga lumalabag.















