Inihayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na inalok umano siya at ang kanyang kapatid na si Ombudsman Jesus Crispin Remulla ng ₱1 bilyon kapalit ng pagpapatamlay sa imbestigasyon sa kontrobersyal na flood control projects.
Sinabi ni Remulla na ang alok ay mula sa isang “mutual friend” ng personalidad na sangkot sa iskandalo, sa isang pribadong pagpupulong dalawang linggo na ang nakalipas.
Dagdag pa niya, agad niyang ipinaalam kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang insidente, at sinabing kinilala ng Pangulo na tama ang kanyang pagtanggi.
Ayon sa Ombudsman, 26 indibidwal na ang kinasuhan kaugnay ng flood control scam, 16 para sa ₱289.5-milyong proyekto sa Occidental Mindoro at 10 para sa ₱96.5-milyong proyekto sa Davao Occidental.
Kabilang sa mga sangkot sa Mindoro case si dating House Appropriations chair at nagbitiw na Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na patuloy pang pinaghahanap kasama ang pito pang iba.
Samantala, sa Davao Occidental case, sumuko noong Disyembre ang kontraktor na si Sarah Discaya at siyam na iba pang akusado bago mailabas ang warrant of arrest. (report by Bombo Jai)















