Inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang P3.627 bilyong pondo para sa pagpapakuryente sa rural areas.
Ito ay alinsunod sa mithiin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makamit ang total electrification sa buong bansa bago matapos ang kaniyang termino sa 2028.
Sa isang statement, sinabi ng DBM na inaprubahan na ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang Special Allotment Release order (SARO) para sa 2025 Strategized Rural Electrification and Operational Reliability for Electric Cooperatives sa National Electrification Administration (NEA).
Saklaw ng naturang halaga ang pagpapakuryente sa 1,752 sitios at limang barangay sa ilalim ng 2025 subsidy.
Karagdagang P68.839 million naman ang inalaan para sa rehabilitasyon ng limang barangay na dating siniserbisyuhan ng off-grid solutions sa pamamagitan ng Barangay Line Enhancement Program.
Maliban dito, kabuuang P120 million ang gagamitin para sa pagbili at pamamahagi ng 4,000 units ng Solar Photovoltaic Mainstreaming para mabigyan ng elektrisidad ang mga komunidad na walang kuryente.
Ayon sa DBM, tanging nasa 9,622 target sitios ang wala pang kuryente na planong pondohan ng pambansang pondo hanggang 2028.