-- Advertisements --

Tahasang hinamon ni Atty. Ferdinand Topacio si Pang. Ferdinand Marcos Jr. na pangalanan na ang lahat ng mga sangkot sa anomalyang bumabalot sa flood control scandal.

Ginawa ito ni Topacio sa isang forum na inorganisa ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) ang political party kung saan siya nagsisilbi bilang deputy spokesperson.

Ayon kay Topacio, kung laging ipinagmamalaki ni Pang. Marcos na siya ang nagpasimula sa imbestigasyon at siya ang naglabas ng pangalan ng mga malalaking kontractor, dapat ay siya rin ang magbunyag sa pangalan ng mga nagsisilbing mastermind.

Giit ni Topacio, Setyembre pa noong binuo ni Pang. Marcos ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ngunit nananatiling mabagal ang pag-usad ng imbestigasyon, kasama na ang pagpapakulong sa mga sangkot.

Hamon ni Topacio kay Pang. Marcos, kung hindi siya ang mismong mastermind sa malawakang korapsyon, dapat ay pangalanan na niya kung sino.

Naniniwala ang abogado na batid ng pangulo kung sino ang nasa likod ng malawakang korapsyon, kaya’t kinuwestyun nito kung ano ang pumipigil sa kaniya upang ibunyag ang kaniyang nalalaman.

Dagdag pa ng abogado, hindi dapat nakukuntento si Pang. Marcos na hiyain ang mga opisyal na responsable sa korapsyon at sa halip tuloy-tuloy silang panagutin.

Sa kasalukuyan aniya, tanging lip-service lamang ang nakikita ng publiko mula kay Pang. Marcos, at nananatiling tahimik sa kabila ng nabunyag na malawakang korapsyon.