BUTUAN CITY – Nilinaw ni dating Alliance of Concerned Teachers o ACT Teachers’ Party-list Rep. France Castro, isa sa mga nagtulak ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, na ang ikalawang impeachment complaint sa ilalim ng 19th Congress ang kanilang inihain kahapon sa tanggapan ng House Secretary General.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, sinabi ng dating kongresista na ito ay dahil hindi pa natatalakay sa Senado ang merito nito, kahit mayroon itong iisang batayan lamang, ang betrayal of public trust.
Ipinaliwanag ng dating mambabatas na ito ay isang catch-all ground, lalo na umano’t hindi sinunod ng bise presidente ang kanyang sinumpaang tungkulin.
Ayon sa kanya, nagkaroon ng maling paggastos sa ₱612.5 milyong confidential fund noong siya ay kalihim pa ng Department of Education, gayundin sa Office of the Vice President, matapos umanong hindi sundin ang mga alituntunin sa paggamit ng naturang pondo.
Dagdag pa rito ang umano’y matinding pagbalewala sa mga prinsipyo ng transparency at accountability, batay sa ulat ng Commission on Audit (COA), dahil sa kabiguang magsumite ng kumpletong liquidation report.
Kasama rin dito ang mga kuwestiyonableng pirma sa mga acknowledgement receipts, gayundin ang dereliction of duty nang tumanggi itong kilalanin ang opisyal na tungkulin ng Kongreso matapos hindi dumalo sa mga ipinatawag na pagdinig noon.















