Mariing kinokondena ng House Young Guns na binubuo nina Deputy Speaker Paolo Ortega V, Deputy Speaker Jefferson Khonghun, Rep. Zia Alonto Adiong, Rep. Rodge Gutierrez, at Rep. Ernix Dionisio ang mapanganib at iligal na paggamit ng China Coast Guard ng high-pressure water cannon laban sa mga bangka ng mga Pilipinong mangingisda malapit sa Sabina Shoal (Escoda Shoal) sa West Philippine Sea noong Disyembre 12, 2025.
Batay sa ulat, tatlong mangingisdang Pilipino ang nasugatan habang dalawang katutubong bangkang pangisda ang malubhang napinsala.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), ang lakas ng water cannon ay nagdulot ng pinsala sa mga mangingisda at sumira sa mga bahagi ng kanilang mga bangka.
Tinarget ng agresyong ito ang halos dalawang dosenang bangkang Pilipino na legal na nangingisda sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas, na naglagay sa panganib sa buhay at kabuhayan ng mga mangingisda.
Ipinapaabot ng mga kongresista ang kanilang pakikiisa at malasakit sa mga sugatang mangingisda at nananalangin para sa kanilang agarang paggaling.
Ang mga hakbang na ito ng China Coast Guard ay malinaw na paglabag sa UNCLOS at sa 2016 Arbitral Award na kumikilala sa soberanong karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Nanawagan ang House Young Guns sa international community na panagutin ang China at igiit ang pagsunod sa batas at mapayapang dayalogo.
Muling pinagtibay ng House Young Guns ang kanilang paninindigan na ipagtanggol ang soberanya ng Pilipinas at suportahan ang ating mga mangingisda at kawani ng Philippine Coast Guard.










