Nag-kilos protesta ang mga miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at kanilang mga kaalyadong grupo sa harapan ng Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, ngayong Sabado, Disyembre 13.
Ito ay bago pa man magsimula ang bicameral conference committee hearings kaugnay sa panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.
Bitbit ng mga raliyista ang placards na may nakasulat na mga mensahe ng pagpapanagot sa mga korap na maipatapon sa kulungan, pagpapatupad ng mga reporma sa government spending, at pagpopondo para sa edukasyon, kalusugan, pension at iba pang social services.
Kinondena rin ng mga protester ang tinawag nilang patuloy na paggamit ng pork barrel funds, kabilang ang kwestyonableng mga proyektong pang-imprastruktura, confidential at intelligence funds at unprogrammed funds, na dapat ay inilaan na lamang sa social services.
Nauna ng nagpahayag ng pagkadismaya ang grupong BAYAN sa isang statement nitong Biyernes, kaugnay sa napaulat na pagkaantala sa Bicameral proceedings para sa 2026 budget bill na iniugnay sa umano’y pagtatalo ng mga mambabatas kung sino ang makakakuha ng mas malaking alokasyon sa pork barrel.
Samantala, nakatakdang mag-convene ang mga mambabatas mula sa Senado at Kamara de Representantes mamayang hapon para simulan ang deliberasyon sa P6.793 trillion General Appropriations Bill (GAB) para sa 2026.
















