Nag-isyu ng subpoena ang Department of Justice (DOJ) laban kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) President Renato Reyes kaugnay sa kasong sedition may kaugnayan sa September 21 protest.
Nag-ugat ang subpoena ng ahensiya mula sa mga kasong inihain ni Lt. Col. Jonathan Estrada ng Philippine National Police base sa dokumentong ibinahagi ni Reyes nitong Biyernes, Enero 16.
Ayon kay Reyes, naghain si Lt. Col. Estrada ng sedition, inciting to sedition at paglabag ng Cybercrime Law laban sa kaniya kaugnay sa malawakang protesta noong nakalipas na taon sa gitna ng mga nabunyag na anomaliya sa flood control projects.
Subalit, tinutulan ni Reyes ang mga alegasyon laban sa kaniya bilang malinaw na walang katotohanan at ang paratang ng sedition ay pawang gawa-gawa lamang.
Ang mga kasong ito aiya ay nakabase lamang sa katotohanang dumalo siya noong Sep. 21 protest at bilang siya ay kilalang aktibista.
Sa subpoena ng DOJ, inatasan si Reyes na humarap kahapon, Enero 15 at magsumite ng kaniyang counter-affidavit sa Enero 26 kalakip ang supporting documents bilang parte ng preliminary investigation sa kaniyang kaso.
Sa panig naman ni Reyes, ipinaliwanag niyang nitong huwebes lamang natanggap ng kaniyang mga abogado ang naturang subpoena.
Samantala, nagpahayag naman ng kumpiyansa si Reyes na mabibigo ang tinawag niyang harassment case laban sa kaniya at sinabing may matibay na depensa ang kaniyang kampo laban sa walang kabuluhang mga alegasyon ng PNP.
Idinetalye rin ni Reyes na maiging naidokumentong nasugatan siya matapos ang protesta ng Bayan sa Mendiola at nang mag-umpisa ang komosyon.
Saad pa ni Reyes na ang PNP at Marcos regime ay nagpapaabot ng babala sa mga tumututol, nang paglilitis para sa kanilang public statements o posts online.
Sa huli, iginiit ni Reyes na hindi mapapatigil ng mga kaso ang taumbayan mula sa pag-demand ng pananagutan sa malawakan at sistematikong plunder sa kaban ng bayan.
















