Ibinunyag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na tinangka umano ng isang kontraktor at isang kongresista na isa ring kontraktor o tinaguriang “cong-tractor” na suhulan siya at kaniyang kapatid na si Ombudsman Jesus Crispin Remulla ng kabuuang P2 billion sa gitna ng imbestigasyon sa anomaliya sa flood control projects.
Ayon kay Sec. Remulla, idinaan ang tangkang pagsuhol sa kanila sa pamamagitan ng emissaries ng kontraktor at ng nakaupong Cong-tractor, ang isang grupo aniya ay Visayas-Mindanao group habang ang isa naman ay Luzon group.
Hinihiling umano ng mga ito na tulungan sila sa kanilang kaso, matanggal sa listahan at pagbigyang makapag-piyansa.
Ipinaliwanag naman ng kalihim na hindi agad inaresto ang mga ito sa kabila ng kanilang pagtatangkang suhulan ang mga opisyal dahil madali lamang aniya nilang maikakaila ang tangkang pagsuhol at sabihing ‘hearsay’ o gawa-gawa lamang ito dahil hindi naman aniya direktang inialok ang suhol.
Hindi na rin aniya nag-reach out ang kalihim sa naturang kongresista at kontraktor matapos ang naturang insidente dahil hindi naman niya personal na kakilala ang mga ito at labas na aniya ito sa kaniyang tungkulin bilang DILG Secretary.
Samantala, nang matanong naman sa reaksiyon ni Ombudsman Remulla kaugnay sa alok na suhol, natawa aniya ang opisyal na ganun na lamang kaliit ang tingin umano sa kanila.
















