-- Advertisements --

Nagpahayag si Rep. Janice Degamo ng matibay na suporta sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y banta nito laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr..

Ayon kay Degamo, bilang biyuda ng pinaslang na gobernador na si Roel Degamo, malalim ang kanyang hugot sa anumang uri ng banta at naniniwala siyang hindi dapat balewalain ang mga pahayag ng VP dahil maaari itong magdulot ng tunay na panganib at pagkasira ng tiwala ng publiko sa pamahalaan.

Sa pagdinig ng House Committee on Justice, ipinalabas ang video kung saan sinabi umano ng Bise Presidente na nagkontrata na siya ng assassin para patayin si Pangulong Marcos, ang First Lady Liza Marcos, at si Speaker Martin Romualdez. Ilang mambabatas gaya ni Rep. Lorenz Defensor ay nagsabing sapat na batayan ang naturang banta para sa impeachment “kahit anong taon,” habang binigyang-diin ni Rep. Benny Abante na hindi ito simpleng political noise kundi isang seryosong red flag para sa pambansang seguridad.

Ito na ang ikatlong impeachment complaint laban kay VP Duterte na tinukoy ng komite bilang “sufficient in substance.”

Samantala, ayon sa mga ulat, patuloy na tumataas ang tensyon sa pagitan ng mga kaalyado ng Pangulo at ng Bise Presidente, na nagdudulot ng mas malawak na diskusyon sa Kongreso hinggil sa tiwala ng publiko at katatagan ng pamahalaan. (report by Bombo Jai)