-- Advertisements --

Pinagmulta ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang isang online travel agency dahil sa umano’y labis-labis at hindi makatwirang airfare sa booking platform nito.

Kinumpirma ng Department of Transportation (DOTr) ang naturang hakbang, alinsunod sa direktiba ng kasalukuyang administrasyon na gawing accessible, ligtas, at makatwiran ang lahat ng uri ng biyahe para sa publiko.

Anim na milyong piso (P6 million) ang ipinataw sa naturang travel agency (AirAsia MOVE).

Giit ng ahensiya na ang pagpataw ng penalty ay isang malinaw na mensahe na hindi hahayaan ng pamahalaan ang anumang uri ng pang-aabuso sa mga Pilipinong mananakay.

Nangako rin ang ahenisya na magpapatuloy ito sa pagprotekta sa karapatan ng mga komyuter at pananagutin ang sinumang lalabag sa itinakdang consumer protection regulations, ang mga panuntunang nagbibigay proteksyon sa karapatan ng mga consumer at mga kliyente.

Sa panig ng naturang travel agency, iginiit nitong walang nangyaring overpricing at manipulasyon sa presyo dahil labag umano ito sa prinsipyong sinusunod ng naturang kompaniya.