-- Advertisements --

Iaalok ang libreng sakay sa mga pasaherong mayroong National ID sa Light Rail Transit 2 (LRT-2) tuwing araw ng Miyerkules ngayong Agosto.

Ayon sa Light Rail Transit Authority (LRTA), ang alok na libreng sakay ay kasabay ng anibersaryo ng pagkapasa ng Republic Act No. 11055 o ang Philippine Identification System Act.

Nilagdaan ang naturang measure bilang batas noong Agosto 6, 2018, na nagmamandato sa Philippine Statistics Authority na magpatupad ng National ID system.

Sa anunsiyo ng pamunuan ngayong Sabado, Agosto 1, para makapag-avail ng libreng sakay, kailangan lamang magpresenta ng mga pasahero ng kanilang physical National ID, o kung wala pa ay maaaring ipakita ang printed paper o digital copy sa security personnel ng istasyon.

Tatakbo ang libreng sakay sa LRT-2 mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng umaga at mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi sa Agosto 5, 12, 19 hanggang 26.

Nauna na ring inanunsiyo ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT 3) na magbibigay ito ng libreng sakay sa mga National ID holders tuwing araw ng Miyerkules ngayong Agosto.