-- Advertisements --

Naglabas ang Department of Finance (DOF), sa rekomendasyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR), ng Revenue Regulations No. 3-2026 noong Abril 17, 2026 na nagbibigay ng implementing guidelines para sa pansamantalang suspensyon ng excise taxes sa Liquefied Petroleum Gas (LPG) at kerosene.

Ang regulasyon ay pagpapatupad ng Executive Order No. 114 series of 2026 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Abril 16, 2026, na nag-aatas ng suspensyon ng buwis sa piling produktong petrolyo alinsunod sa Section 148 ng National Internal Revenue Code of 1997.

Simula Abril 17, 2026, suspendido ang excise tax sa LPG maliban kung gagamitin bilang raw material sa petrochemical products o motive power, at sa kerosene maliban kung gagamitin bilang aviation fuel. Ang suspensyon ay tatagal ng tatlong buwan at susuriin buwan-buwan ng Development Budget Coordination Committee.

Inaatasan din ang BIR at Bureau of Customs na magsumite ng buwanang ulat sa Kongreso hinggil sa halaga at dami ng mga produktong sakop, batay sa import at local production records.

Kasama sa guidelines ang documentary requirements para sa importers at manufacturers, stock inventory rules, at kaukulang parusa sa mga lalabag.

Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, nakikipagtulungan ang Bureau sa DOF upang agad maipatupad ang direktiba ng Pangulo at pinag-aaralan pa ang iba pang hakbang para suportahan ang relief efforts ng pamahalaan sa gitna ng krisis.