-- Advertisements --

Ibinunyag ni House Committee on Justice member at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na naglabas ang Commission on Audit (COA) ng panibagong notice of disallowance (ND) na nagkakahalaga ng P300 milyon laban sa confidential funds ng Office of the Vice President.

Hiwalay ito sa naunang P73 milyong ND na may pinal nang desisyon at maaaring iapela na lamang sa Korte Suprema.

Ayon sa mambabatas, ang bagong ND ay kasalukuyan pang sinusuri at wala pang pinal na ruling.

Binigyang-diin din niya na nagpapakita ito ng posibleng paulit-ulit na isyu sa paggamit ng confidential funds, partikular sa kakulangan ng maayos na dokumento at ulat.

Samantala, magpapatuloy ang pagdinig ng House justice panel sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte sa Miyerkules, kabilang ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong pondo, banta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at isyu ng hindi maipaliwanag na yaman.