-- Advertisements --

Nakalikom ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng gross collection na P198.755 bilyon noong Marso 2026, mas mataas ng P21.086 bilyon o 11.87% kumpara sa parehong buwan noong nakaraang taon, batay sa preliminary data hanggang Abril 13, 2026.

Naglabas din ang BIR ng P11.368 bilyon na tax refunds ngayong Marso, higit limang ulit na mas mataas kaysa sa inilabas noong Marso 2025.

Dahil dito, umabot sa P187.387 bilyon ang net collection para sa buwan, mas mataas ng P11.727 bilyon o 6.68% year-on-year.

Bagama’t nabawasan ang paglago ng net collection dahil sa mas mataas na refund, nangangahulugan naman ito na mas maraming pondo ang naibalik sa mga taxpayers at negosyo sa gitna ng nagpapatuloy na energy crisis.

“Ang performance ng aming koleksyon ngayong Marso 2026 ay nakapagbibigay ng pag-asa, lalo na sa panahong ito ng economic strain. Tinutugunan namin ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ni Finance Secretary Frederick D. Go na tiyakin ang tuloy-tuloy na kita ng pamahalaan upang pondohan ang mahahalagang serbisyo at magbigay ng agarang suporta, lalo na sa mga higit na nangangailangan,” wika ni BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza.