Pinalawig ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang deadline ng filing ng 2025 Annual Income Tax Returns mula Abril 15 hanggang Mayo 15, 2026.
Ayon sa ahensya, layunin nitong bigyan ng mas mahabang panahon ang bawat taxpayer upang makapag-file nang maayos, kumpleto sa lahat ng kinakailangang dokumento, nang walang ipapataw na penalties.
Maaaring magsumite at magbayad ang mga taxpayer sa pamamagitan ng BIR electronic platforms o sa mga Authorized Agent Banks.
Ipinaliwanag ng BIR na ang pagpapalawig ng deadline ay bahagi ng kanilang hakbang upang mas magaan ang pagbabayad ng buwis ng mga Pilipino, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin.
Dagdag pa ng ahensya, tuloy-tuloy ang kanilang mga programa upang maibsan ang bigat ng araw-araw na pamumuhay ng mga mamamayan.
















