BUTUAN CITY – Ipinaliwanag ng Municipal Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) sa bayan ng San Miguel, Surigao del Sur na hindi dapat katakutan ang Gingha River sa Brgy. Calatngan matapos ang pagkamatay ng tatlong mangingisda na pumasok sa isang kuweba noong Biyernes ng gabi at natagpuan na lamang ang kanilang mga bangkay noong Sabado sa isinagawang retrieval operation.
Nakilala ang mga biktima na sina Partor Alvin Damalerio, Tito Bulac, at Anthon Bulac.
Ang Gingha River ay isa sa mga tourist spots ng nasabing bayan at tinaguriang “Little Palawan” na dinarayo ng mga turista, kung saan ang iba ay nag-o-overnight pa.
Ayon kay IPMR Datu Rico Maca, nagkaroon sila ng sesyon sa munisipyo kasama ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan at mga tribal leaders.
Batay sa kanilang assessment mula mismo sa mga residente, mangingisda, at mga turistang nakapunta na sa lugar, ligtas pa ring bisitahin at gawing pahingahan ang naturang ilog.
Ang nangyari sa tatlong mangingisda ay bunga umano ng kakulangan sa pagtiyak ng kanilang kaligtasan lalo na’t alam na umano nila na iisa lamang ang maliit na daanan papasok at palabas ng kuwebang kanilang pinasok, kahit na maluwang ang loob nito.
Ang naturang kuweba ay bahagi ng ilog na dapat iwasan lalo na ng mga hindi pa bihasa sa caving.
Ayon pa sa mga lokal, napakalalim ng Gingha River.
Sinubukan nila itong sukatin gamit ang tatlong kawayan na pinagdikit, ngunit hindi pa rin nila ka-abot ang river bed nito.
Hindi nila inaasahan ang nangyari sa tatlo, lalo na’t gabi silang pumasok sa kuweba upang mangisda.
Pagkalipas ng ilang oras na hindi pa sila lumalabas, pinaghihinalaan na ang kanilang sinapit, kaya isinagawa ang retrieval operation kinabukasan kungsaan patay na nang matagpuan ang tatlo.
















