-- Advertisements --

Nakikipag-ugnayan na ang Philippine National Police (PNP) sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at international law enforcement organizations upang beripikahin ang ulat nang pagkakadakip kay dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co sa Prague, Czech Republic.

Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., isinasagawa ang beripikasyon sa pamamagitan ng opisyal na mga channel upang matiyak ang detalye ng naturang insidente.

Dagdag pa niya, handa ang PNP na magbigay ng kinakailangang tulong at suporta sa mga legal process, kabilang ang koordinasyon para sa posibleng pagbabalik ni Co sa Pilipinas, alinsunod sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Ferdinand Marcos Jr.

Nauna nang inihayag ng Pangulo na naaresto si Co matapos umano itong pumasok sa Czech Republic nang walang sapat na dokumento at kasalukuyang nasa kustodiya na ng mga awtoridad doon.

Si Co ay kabilang sa mga iniugnay sa umano’y anomalya sa mga flood control projects sa bansa.

Samantala, sinabi naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na wala pa silang nakukuhang kumpirmasyon o karagdagang impormasyon hinggil sa naturang pag-aresto.