Isinusulong ni Paranaque Rep. Brian Yamsuan ang panukalang batas na magpapataw ng mas mabibigat na parusa laban sa hoarding, overpricing, at iba pang ilegal na gawain kaugnay ng mga produktong petrolyo, kabilang ang pagkakakulong ng hanggang 15 taon.
Sa ilalim ng House Bill No. 8616, layon ng panukala na protektahan ang mga mamimili laban sa mga negosyanteng nagsasamantala sa panahon ng krisis pang-ekonomiya, gaya ng kasalukuyang pagtaas ng presyo ng langis, upang kumita nang labis.
Ayon kay Yamsuan, hindi dapat palampasin ang ganitong uri ng kasakiman.
Sinabi ng mambabatas, layunin ng panukala na higpitan ang umiiral na batas.
Umaasa rin ang mambabatas na agad na kikilos ang Kongreso sa pagbabalik ng sesyon sa susunod na buwan upang maipasa ang panukala at magsilbing babala sa mga patuloy na nagsasamantala sa hirap ng mamamayan tuwing tumataas ang presyo ng langis.
Inihayag ni Yamsuan ang panawagan ay kasunod ng pinaigting na kampanya ng Department of Energy laban sa fuel hoarding upang maiwasan ang artipisyal na kakulangan na lalo pang nagtutulak sa pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel.
Ipinaliwanag ni Yamsuan na naluma na ang umiiral na Presidential Decree 1865 na nag-amyenda sa Batas Pambansa Blg. 33, at hindi na ito tugma sa mga probisyon ng Downstream Oil Deregulation Law at Price Act.
Sa ilalim ng panukala, itataas ang kasalukuyang parusang pagkakakulong mula dalawa hanggang limang taon tungo sa lima hanggang 15 taon. Itataas din ang multa mula P20,000–P50,000 patungong P50,000–P300,000.
Kabilang sa mga ipinagbabawal na gawain ang ilegal na kalakalan, adulteration o paghahalo ng produktong petrolyo, underfilling, hoarding, overpricing, at maling paggamit ng alokasyon ng fuel mga gawaing itinuturing na banta sa pambansang seguridad at interes ng publiko.
Binanggit din ni Yamsuan na noong nakaraang buwan, nakatanggap ang DOE ng hindi bababa sa 87 ulat ng labis na pagtaas ng presyo ng fuel at naglabas ng 55 show-cause orders laban sa mga gasolinahan.










