-- Advertisements --

Nanawagan ang Pilipinas para suportahan ang paglikha ng trabaho, mas flexible na financing, at pagpapalakas ng climate resilience sa gitna ng tumitinding hamon mula sa geopolitical tensions at climate-related risks.

Sa ginanap na Intergovernmental Group of Twenty-Four (G-24) Ministers’ and Governors’ Meeting, binigyang-diin ni Finance Secretary Frederick Go na lumiliit ang fiscal space ng maraming developing economies kaya mas nahihirapan silang tugunan ang sabay-sabay na krisis.

Ayon sa kanya, kinakailangan ang “scaled-up and more flexible financing,” kabilang ang budget support at emergency funding mechanisms, upang matulungan ang mga bansa na makaagapay sa external shocks habang nagpapatuloy ang serbisyo publiko at iba pang programa.

Itinulak din ni Go ang mas malawak na partisipasyon ng pribadong sektor na mamuhunan, partikular sa imprastraktura, energy transition, at digital services na nakikitang susi sa paglikha ng trabaho at paglago ng ekonomiya.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng human capital development upang matiyak na ang mga repormang pang-ekonomiya ay direktang makapagbibigay ng dekalidad na trabaho at mas maayos na kabuhayan.

Sa kabilang banda nanawagan din si Go nang pangangailangan ng access sa climate financing at technical assistance, lalo na para sa mga bansang tulad ng Pilipinas na lantad sa malalakas na bagyo at iba pang kalamidad.

Ang G-24 ay isang samahan ng mga umuunlad na bansa na may posisyon na talakayin ang mga isyung pang-internasyonal na pananalapi at pagpapaunlad.