-- Advertisements --

Ligtas nang nakalabas sa Persian Gulf ang 1,161 Pilipinong tripulante na na-stranded sa gitna ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan, ayon sa Malacañang.

Sa isang pahayag ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro, sinabi niyang isinagawa ang kanilang pag-alis mula noong unang linggo ng Abril hanggang Abril 18, 2026.

Ang mga Pilipinong seafarers ay isinakay sa 22 barko na matagumpay na nakalabas mula sa rehiyon.

Sa kabila nito, may 412 seafarers pa ang kasalukuyang nananatili sa Persian Gulf, ngunit ligtas ang kanilang kalagayan at may sapat na suplay ng mga pangangailangan.

Samantala, nagkaroon din ng pulong si Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac sa mga opisyal ng Saudi Arabia upang masusing matutukan ang kalagayan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at pangunahan ang repatriation ng mga Pilipino mula sa mga lugar na apektado ng kaguluhan.

Nakauwi na rin sa Pilipinas si Cacdac kasama ang 16 OFWs mula sa Riyadh at Jeddah, at sa kabuuan, umabot na sa 7,144 Pilipino ang napauwi mula sa iba’t ibang bahagi ng Middle East.

Patuloy na minomonitor ng gobyerno ang kalagayan ng mga Pilipino sa rehiyon at nagtutulungan ang mga ahensya upang masiguro ang kanilang kaligtasan at mabilis na repatriation.