-- Advertisements --

Pinuna ni Senator Imee Marcos ang naging desisyon ng International Criminal Court (ICC) matapos kumpirmahin ang mga kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at ituloy ang paglilitis laban sa kanya.

Sa isang pahayag na inilabas nitong Huwebes, sinabi ni Marcos na ang hakbang ng ICC ay muling nagdudulot ng mga seryosong katanungan ukol sa “selectivity” at ”fairness in the exercise of international justice.”

Ayon pa sa senador, tila mayroong ”perception” ang international court tungkol sa tinutukan nitong mga kaso laban sa maliliit na bansa, habang ang mga malalaking bansa naman daw ay nanatiling ligtas sa kaparehong kaso na ipinupukol sa dating pangulo.

Nagbabala rin siya na ang anumang hakbang na tila bumabypass sa mga ”constitutional safeguards” upang makamit ang mga politikal na dahilan ay nakakapagpababa sa tiwala ng publiko sa ating mga institusyon at nagpapahina sa rule of law.

Bilang isang kilalang kaalyado ni Duterte, nagbigay na rin ng saloobin si Imee Marcos hinggil sa pag-angkin ng ICC ng hurisdiksyon sa kaso, na aniya’y labag sa desisyon ng Pilipinas na mag-withdraw mula sa Rome Statute.

Sa desisyon ng Pre-Trial Chamber I, binigyang-diin ng ICC na may sapat na batayan upang paniwalaan na si Duterte ay may pananagutan sa mga crimes against humanity, partikular ang murder at attempted murder, sa ilalim ng Rome Statute.

Ayon sa korte, ang mga krimeng ito ay isinagawa bilang bahagi ng isang malawak at sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan sa Pilipinas mula noong Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019, sa ilalim umano ng ‘war on drugs’ ng administrasyong Duterte.