-- Advertisements --

Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtanggal sa excise tax para sa LPG at kerosene bilang bahagi ng mga hakbang ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng krisis sa langis. 

Sa ilalim ng direktibang ito, mababawasan ng P3.36 ang kada kilo ng LPG o halos P37.00 sa bawat tangke, habang P5.65 naman ang mababawas sa kada litro ng kerosene upang mapababa ang gastos sa pagluluto at iba pang pangangailangan.

Bukod sa bawas-buwis, tiniyak ng Pangulo na mananatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng sardinas, tinapay, instant noodles, at gatas hanggang sa katapusan ng Abril.

Inalis na rin ang toll fees sa mga fishport at binawasan ang terminal fees sa mga daungan para sa mga sasakyang nagdadala ng produktong agrikultural upang hindi na madagdagan ang presyo ng pagkain sa mga palengke.

Ipinunto ng Pangulo na mas pinili ng administrasyon na panatilihin ang VAT sa produktong petrolyo upang magkaroon ng sapat na pondo para sa mga subsidy at cash benefits para sa lahat ng sektor, hindi lamang para sa transportasyon. 

Ayon sa Pangulo, ang koleksyon mula sa VAT ay gagamitin upang pondohan ang mga programa para sa mga magsasaka, senior citizens, PWDs, at single parents sa pamamagitan ng pagpapalawak ng “Bentang Bigas” program at iba pang ayuda.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang mga hakbang na ito ay bahagi ng pagbalanse sa komplikadong sistema ng ekonomiya upang maprotektahan ang mga consumer habang sinisigurong hindi malulugi ang mga lokal na producer. 

Tiniyak ng Malacañang na patuloy na pag-aaralan ang lahat ng opsyon at hindi titigil ang gobyerno hangga’t hindi nararamdaman ng bawat Pilipino ang tunay na ginhawa sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.