Nagbabala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa publiko hinggil sa inaasahang malawakang “traffic flood” o Distributed Denial of Service (DDoS) attack sa internet sa darating na Nobyembre 5, isang uri ng cyber assault na maaaring magdulot ng matinding pagkaantala sa pag-access ng mga website at apps.
Inihalintulad ito ng DICT sa isang matinding traffic jam sa internet: sabay-sabay na sinusubukang pasukin ng mga hacker ang isang website o application, na nagreresulta sa pagbagal ng serbisyo o hindi agad mabuksang site/app—na para bang sinadyang isara ang daan sa mga lehitimong gumagamit.
Bagamat nilinaw ng DICT na walang personal na account, datos, o pera ang mananakaw sa ganitong sitwasyon, hindi maikakaila ang epekto nito sa mga negosyo, serbisyo, at pang-araw-araw na online na gawain ng publiko.
Tiniyak ng DICT na mahigpit na mino-monitor ang sitwasyon at nakahanda ang mga kaukulang hakbang upang mapigilan ang mas malawak na epekto ng cyber attack.















