Palalawakin ng Department of Education (DepEd) ang pinakamalaking school feeding program nito sa 2026, kasunod ng pag-apruba ng Senado sa P28.66-bilyong pondo, higit doble ng budget ngayong taon.
Sa dagdag na pondo, makakapagpakain ang DepEd sa 4.49 milyong mag-aaral, mapapalawig ang feeding sa 200 school days, at mapalalakas ang suporta para sa wasted at severely wasted learners, kabilang ang mga buntis na kabataan. Kabilang dito ang 45-araw na feeding para sa junior at senior high school learners at 30-araw na intervention para sa adolescent pregnant students.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, malinaw sa datos at karanasan ng mga guro na mas nakakapag-aral ang mga bata kapag hindi gutom.
Ngayong taon, sinimulan ng DepEd ang universal early feeding para sa lahat ng Kindergarten at Grade 1 learners, na nagresulta sa malaking pagbaba ng severely wasted Kindergarten pupils.
Pinalalakas din ng DepEd ang nutrition infrastructure, mula sa mga central kitchens at gulayan sa Paaralan patungo sa ilang central kitchens at mobile kitchen units sa 2026. (report by Bombo Jai)















