Nangako ang Metro Manila Council na tutulungan ng pamahalaan ang lahat ng driver na nasa ilalim ng public transport habang nasa kalagitnaan ng oil crisis.
Ayon kay Metro Manila Council president and San Juan Mayor Francis Zamora, bahagi ito ng napag-usapan nila at ng mga cabinet secretary ng kasalukuyang administrasyon.
Kabilang sa mga ito ang Transport Network Vehicle Service (TNVS), UV Express, at mga bus driver.
Ayon kay Zamora, aasistehan ng national government ang public transport ngunit ipaprayoridad muna ng Metro Manila Council ang mga tricycle driver sa pagbibigay ng subsidiya.
Paliwanag ng alkalde, mayroon nang kumpletong listahan na ginagamit ang mga lokal na pamahalaan sa NCR kung saan nakalista ang mga tricycle driver at maari itong kaagad gamitin.
Isa sa pangunahing programa na nakahanay bilang fuel assistance ay ang pagbibigay ng P5,000 cash sa public transport drivers na pangunahing isasagawa ng Department of Transportation.
Maaari ring kwalipikado ang mga driver sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development kung saan maaaring mabigyan ang mga ito ng cash.
















