Bantay sarado ng PNP si Sen. Leila de Lima na balik-kulungan na matapos nitong bisitahin ang may sakit na ina sa Iriga City, Camarines Sur.

Hatinggabi na nang makarating ang senadora sa Camp Crame detention facility.

Una rito, sa kaniyang petisyon na malakabas ng kulungan ay hiniling ng mambabatas na mabisita ang 86-anyos na inang si Norma.

Pinayagan ng hukom sa Muntinlupa si De Lima kaya Huwebes ng madaling araw ay pumunta ito sa Iriga City at bumalik makalipas ang itinakdang oras ng korte.

Pero sa kabuuan ng pagbisita sa ina ay hindi ito pinayagan ng korte na makapanayam ng media.
Nagpasalamat naman ang mga kaanak ni De Lima na nakalabas ito ng kulungan kahit sa sandaling oras lamang.

Para sa kanila ay maituturing itong birthday gift dahil sa kaarawan ng senador sa August 27.

Si De Lima ay nahaharap sa drug cases dahil sa paglaganap ng ipinagbabawal na gamot sa New Bilibid Prison (NBP) noong siya pa ang pinuno ng DoJ.