Muling ipinahayag ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang buong suporta ng Kamara de Representantes para sa pinaigting na kampanya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. laban sa ilegal na droga.
Ayon kay Romualdez ang laban sa ipinagbabawal na gamot ay mahalaga para sa kinabukasan, seguridad, at moral na direksyon ng bansa.
Agad na ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang pagsira sa methamphetamine hydrochloride, na nakuha ng mga mangingisda na palutang-lutang sa dagat na sakop ng Zambales, Pangasinan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, at Cagayan.
Pinuri ni Speaker Romualdez ang mabilis, bukas, at alinsunod sa batas na aksyon ng Pangulo.
Pinuri rin ni Speaker si Pangulong Marcos sa pamumuno ng kampanya kontra droga na nakasandig sa koordinasyon, intelligence-driven operations, at pakikilahok ng komunidad, at binigyang-diin na mga karaniwang mangingisda ang naging unang rumesponde sa pinakahuling pagsabat sa ilegal na droga.
Binigyang-diin din niya ang estratehikong kahalagahan ng desisyon ng Pangulo na personal na pangunahan ang pagsira ng nakumpiskang droga, na aniya ay nagpapalakas ng kumpiyansa ng publiko sa sistema at nagsisiguro na walang iligal na substansyang muling makararating sa mga komunidad.
Tiniyak ni Speaker Romualdez sa Pangulo at sa publiko na handa ang House of Representatives na magpasa ng mga batas na sumusuporta sa interdiction, maritime at border control, intelligence fusion, at rehabilitasyon ng mga drug user na naghahangad ng panibagong pagkakataon sa buhay.
Nagbabala si Speaker Romualdez na habang umuunlad ang mga kriminal na network, dapat ay ganon din ang mga institusyong pampamahalaan—at pinuri niya ang Marcos administration sa kakayahang manatiling nangunguna sa pamamagitan ng determinadong pamumuno, transparency, at reporma.
Nanawagan si Speaker Romualdez sa bawat Pilipino na magkaisa sa likod ni Pangulong Marcos sa laban na ito, at tiniyak sa bayan na ang kampanya ay magpapatuloy nang may propesyonalismo, malasakit, at buong puwersa ng estado.