Magpapakalat ang mga awtoridad ng humigit-kumulang 600 pulis at force multipliers upang tiyakin ang seguridad sa ika-100 canonical coronation ng Our Lady of Manaoag, na inaasahang dadagsain ng mahigit isang milyong deboto.
Ayon sa Pangasinan Provincial Police Office, handa na ang kanilang hanay matapos isailalim sa final briefings ang mga tauhan ilang oras matapos ang deployment.
Sinabi ni Police Colonel Arbel Mercullo na nakahanda na ang kanilang opisina para sa makasaysayang selebrasyon.
Samantala, inihayag ng lokal na pamahalaan na puno na ang mga matutuluyan sa bayan ng Manaoag, kung saan fully booked na ang mga hotel at transient houses bago pa man ang okasyon.
Ayon kay Mayor Jeremy Agerico Rosario, pangunahing hamon ang crowd control, traffic management, at seguridad dahil sa inaasahang dami ng dadalo.
Dagdag pa niya, may nakahandang 11 medical teams para sa agarang pagtugon sa anumang insidente.
Sinabi rin ng mga opisyal na magpapatuloy ang selebrasyon anuman ang lagay ng panahon, kaya pinapayuhan ang mga deboto na maghanda laban sa init o ulan.
Nakatakda ang canonical coronation ngayong Miyerkules, Abril 22, 2026, na susundan ng banal na misa at prusisyon sa hapon, bilang paggunita sa isang mahalagang yugto ng isa sa mga pinakadinadayo na pilgrimage site sa bansa.










