Magsasagawa si Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee chair Panfilo Lacson para iulat ang nagawang progreso ng komite sa imbestigasyon nito sa flood control anomaly.
Ito ay sa gitna ng kapos na lagda mula sa mga Senador para maisumite ang partial report ng komite sa plenaryo ng Senado.
Ayon sa Senador, hiniling na niyang mai-schedule ang kaniyang privilege speech sa araw ng Lunes o Martes.
Paliwanag ng mambabatas na bilang chairman ng Senate panel, na nagiimbestiga sa maanomaliyang mga proyekto, responsibilidad niya sa mamamayang Pilipino na ipaalam kung ano na ang nagawang progreso makalipas ang mga isinagawang pagdinig ng komite.
Nauna nang inihayag ni Lacson na tanging tatlong lagda na lamang ng mga kasamahan niyang Senador ang kailangan para makumpleto ang siyam na kailangang pirma para maisumite ang committee partial report sa plenary session at maisapubliko.
Samantala, ayon sa mambabatas hindi lamang limitado sa kung ano ang nangyari sa kanilang imbestigasyon ang magiging laman ng kaniyang privilege speech kundi kabilang din ang mga dokumento na hindi natalakay sa mga pagdinig.
Target din ni Lacscon na magbigay ng kopiya sa Department of Justice at Office of the Ombudsman, na nagsasagawa ng kanilang sariling proceedings sa multi-bilyong pisong korapsiyon sa flood control projects.
















