Iginiit ng isa sa magsisilbing senator-judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na si Senador Panfilo Lacson na hindi trabaho ng Senate impeachment court ang pagbubukas sa selyadong kahon ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Sa halip, dapat aniyang humingi ng pahintulot ang House prosecution panel mula sa Office of the President kung nais nilang buksan ang BIR box.
Napagkasunduan aniya ng mga senador sa kanilang caucus nitong Biyernes na isauli ang selyadong BIR box sa House prosecution dahil walang karapatan ang korte na itago o maging “gatekeeper” ng mga ebidensyang hindi pa pormal na inihaharap sa paglilitis.
Binigyang-diin ni Lacson na sa ilalim ng Section 71 ng Tax Code, ang mga tax record ay confidential at maaari lamang ilabas o buksan kung may nakasulat na permiso mula sa Pangulo sa rekomendasyon ng BIR at Department of Finance o sa pamamagitan ng waiver mula sa respondent.
Nagbabala rin si Lacson na kapag pinilit ng Senate impeachment court na buksan ang kahon nang walang tamang legal na awtorisasyon, malalagay ang Senado sa panganib na makasuhan ng “grave abuse of discretion”.
Ayon kay Lacson, dapat na huwag ipasa ng prosecution sa Senado ang pasanin sa pagbubukas nito.
Dapat ay sa House of Representatives pa lang ay hiningi na nila ang kinakailangang permiso sa Malacañang bago ito ipinadala sa Senado.
Ang selyadong kahon ay naglalaman ng mga tax record ni VP Sara Duterte at ng kanyang asawa na si Mans Carpio na isinumite ng BIR sa House Justice Committee.
Ipinasa ito ng Kamara sa Senado nang hindi binubuksan. Nais ng House prosecution panel na buksan ito upang magamit na ebidensya para sa Article II ng Articles of Impeachment na may kinalaman sa umano’y “unexplained wealth” o hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente.
















