-- Advertisements --

Umabot na sa P6.6 million ang halaga ng pinsala sa agrikultura sa lalawigan ng Albay dahil sa patuloy na pag-aalboroto ng Mayon Volcano.

Batay sa datos ng Provincial Agricultural Office, labis na naapektuhan ang mga taniman ng palay at iba pang high-value crops sa mga bayan ng Camalig, Guinobatan, at Daraga.

Aabot naman sa 87 magsasaka ng palay ang direktang naapektuhan ng kalamidad.

Malaking pinsala rin ang idinulot ng makapal na ashfall mula sa bulkan, na tumabon sa mga pananim tulad ng talong, sili, okra, at mais.

Marami sa mga ito ay malapit nang anihin ngunit nasira na dulot ng ash fall.

Ayon sa mga opisyal, nalanta ang mga halaman at hindi na maaaring pakinabangan, dahilan upang mangamba ang mga magsasaka sa kanilang kabuhayan.

Patuloy namang binabantayan ng mga awtoridad ang sitwasyon habang nananatili sa Alert Level 3 ang Mayon Volcano, na nangangahulugang may banta pa rin ng pagbuga ng lava, abo, at iba pang mapanganib na aktibidad.