-- Advertisements --

Umabot na sa mahigit 6,000 kabahayan sa lalawigan ng Albay ang naapektuhan ng ashfall kasunod ng pag-aalburoto ng Mayon Volcano noong Sabado, ayon kay Albay Governor Noel Rosal nitong Lunes.

Ayon kay Rosal, ang pagguho ng lava dome ng bulkan ang nagdulot ng ashfall na tumama sa mga bayan ng Guinobatan at Camalig. Partikular sa Guinobatan kung saan umabot sa isa hanggang dalawang pulgada ang kapal ng abo.

Personal ding bumisita si Vince Dizon ng Department of Public Works and Highways upang inspeksyunin ang clearing at flushing operations sa mga apektadong lugar.

Samantala, passable na ang Maharlika Highway patungong Naga City.

Sa kabila ng insidente, wala namang naitalang nasawi o nasugatan. Ayon sa gobernador, nakatulong ang kahandaan ng mga residente upang maiwasan ang matinding pinsala.

Gayunpaman, iniulat ang pagkamatay ng ilang alagang hayop at pagkasira ng mga pananim dahil sa ashfall. May mga ulat din na may mga hayop na natabunan ng abo at volcanic materials.

Ipinag-utos din ng lokal na pamahalaan ang pagsusuot ng face mask, partikular ang N95, dahil sa panganib na dulot ng abo lalo na sa kalusugan ng mga bata.

Sa kasalukuyan, may 1,238 evacuees mula sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ).

Pinag-aaralan na rin ng mga awtoridad ang posibleng pagpapalawak nito sa pitong kilometro, na maaaring makaapekto sa karagdagang 10,000 pamilya.

Nanatili naman sa Alert Level 3 ang status ng bulkan, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, na nangangahulugang patuloy ang banta ng mas malakas na pagsabog.

Samantala, humingi na ng tulong ang alkalde ng Camalig na si Mayor Carlos Irwin Baldo Jr. sa Department of Health para sa karagdagang gamot upang maiwasan ang sakit dulot ng ashfall.