Mariing pinabulaanan ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste ang mga paratang ni Executive Secretary Ralph Recto laban sa kanya, at iginiit na ang mga ito ay “walang basehan at mapapatunayang mali.”
Sa kanyang pahayag, itinanggi ni Leviste ang alegasyon ng vote-buying at umano’y alok na aabot sa P1 bilyon upang umatras si Batangas Governor Vilma Santos sa posisyon.
Hinamon din niya si Recto na humarap sa Kongreso upang doon umano mapatunayan kung sino ang nagsasabi ng totoo, kasabay ng pangakong maglalatag siya ng ebidensya at mga testigo.
Nauna nang ibinunyag ni Leviste ang umano’y iskema na kinasasangkutan ng ilang opisyal kaugnay ng proyekto sa Department of Public Works and Highways, kung saan sinasabing may koordinasyon sa pagbili ng lupa para sa road projects, isang alegasyong hindi pa sinasagot nang detalyado ng kampo ni Recto. (report by Bombo Jai)
















