Itinanggi ng dating Health Undersecretary na si Kenneth Hartigan-Go na ipinromote niya ang paggamit ng Dengvaxia sa kabila ng dati niyang koneksyon sa isang foundation na may kaugnayan sa distributor nito.
Sa pagharap niya bilang testigo sa Sandiganbayan, sinabi ni Hartigan-Go na hindi kailanman nag-advertise o nagbenta ng anumang produkto ang kanilang foundation (Zuellig Family Foundation) kung saan siya nagsilbing executive director mula 2001 hanggang 2009.
Gayunpaman, inamin niya na nilagdaan niya ang isang rekomendasyon noong 2015 ng Formular Executive Council na magbigay ng exemption sa Dengvaxia mula sa Philippine National Drug Formulary.
Ang ganitong exemption sana ang magpapahintulot sa gobyerno na makabili ng legal para sa naturang bakuna, ngunit hindi ito naaprubahan.
Ayon sa mga prosecutor, binanggit umano ni Hartigan-Go sa naturang rekomendasyon ang isang pag-aaral ng Sanofi, ang gumawa ng Dengvaxia. Ngunit sinabi ng dating opisyal na hindi niya alam na may ganitong reference sa dokumento.
Ang kaso ay kaugnay ng umano’y iregularidad sa pagbili ng P3.5 billion na halaga ng Dengvaxia noong 2015, kung saan kasama ring kinasuhan si dating Health Secretary at ngayo’y House Deputy Speaker Janette Garin at iba pa.
Ayon sa Office of the Ombudsman, iligal umanong ginamit ang pondo ng gobyerno para sa pagbili ng bakuna, na hindi naman kabilang sa Expanded Program for Immunization at wala ring pahintulot mula sa drug formulary, na umano’y paglabag sa umiiral na batas at regulasyon, kabilang ang Executive Order No. 49.
















