Ikinadismaya ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky ang sunod-sunod na pagbisita ng mga envoy ng Estados Unidos sa Moscow nang hindi man lamang dumadaan sa Kyiv, na aniya’y isang “disrespectful” sa gitna ng nagpapatuloy na digmaan sa Ukraine.
Sa isang panayam, sinabi ni Zelensky na bagama’t nauunawaan niya ang mga logistical challenges, hindi maikakaila na ang pagpunta nina Steve Witkoff at Jared Kushner sa Russia nang hindi binibisita ang Ukraine ay nagpapakita umano ng kakulangan sa paggalang.
“It’s disrespectful to come to Moscow and not Kyiv,” ani Zelensky, habang binibigyang-diin na bukas ang Ukraine sa pakikipagpulong kahit sa ibang bansa kung kinakailangan.
Si Witkoff, na special envoy ni U.S. President Donald Trump, ay ilang beses nang nakipagpulong kay Russian President Vladimir Putin sa Moscow.
Napag-alaman na kahit kailan ay hindi pa bumibisita ang mga opisyal sa Kyiv.
Nauna nang sinabi ni Zelensky na may planong bumisita sa Ukraine ang dalawang opisyal nitong Abril, ngunit hindi ito natuloy dahil sa paglipat ng atensyon ng Amerika sa tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan, partikular sa sigalot ng U.S.-Israel laban sa Iran.
Sa kabila nito, iginiit ni Zelensky ang kahalagahan ng patuloy na kooperasyon sa Estados Unidos.
Sa kabilang dako nagpapatuloy ang mga usapin sa ceasefire sa Ukraine, na tumagal na ng mahigit apat na taon. Bagama’t may ilang napagkasunduan ukol sa military arrangements, nananatiling hindi na-resolba ang mahalagang isyu tulad ng status ng Donbas region at iba pang kondisyon na hindi matanggap ng magkabilang panig.
Sa kasalukuyan, nananatiling deadlock ang negosasyon, habang patuloy ang panawagan ng Ukraine para sa mas aktibong partisipasyon at pagkilala sa kanilang posisyon sa usaping pangkapayapaan.
















