-- Advertisements --

Patuloy na mararanasan ang mga pag-ulan at makulimlim na panahon ngayong araw ng Miyerkules, July 2 sa Luzon at ilang parte ng Visayas at Mindanao dahil sa epekto ng low-pressure area (LPA) at habagat.

Ayon sa state weather bureau, huling namataan ang LPA sa loob ng bansa kaninang alas-2:00 ng umaga sa layong 235 kilometers silangan ng Echague, Isabela at inaasahang makakaapekto ito sa ilang parte ng Hilaga at Gitnang Luzon.

Bagamat nananatili itong LPA, inaasahang magdadala ito ng kalat-kalat na rain showers, pagkidlat at pagkulog sa silangang parte ng Northern at Central Luzon.

Sa may Cagayan Valley area, inaasahang magdadala ang namumuong sama ng panahon ng kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms.

Masusi ding binabantayan ang tropical depression na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Samantala, inaasahang makakaapekto naman ang habagat sa nalalabing parte ng Luzon partikular na sa gitna at timog na bahagi na may kalat-kalat na rain showers at thunderstorms dito sa Metro Manila, sa CALABARZON at sa Bicol Region.

Iiral din ang maulan at maulap na kalangitan dahil sa habagat sa may Palawan, Western Visayas gayundin sa Zamboanga Peninsula.

Magandang panahon naman ang iiral sa nalalabing parte ng Visayas at Mindanao na may tiyansa ng thunderstorms sa hapon at sa gabi.