Maaaring mabuo ang isang low pressure area (LPA) sa timog-silangan ng Mindanao ngayong Lunes, Enero 12 at pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bukas, Enero 13.
Posible itong lumakas bilang tropical depression sa Huwebes, Enero 15 at tatawaging “Ada.”
Inaasahang mananatili ito sa silangan ng Eastern Visayas hanggang Biyernes. Pagsapit ng weekend, maaari itong manatili sa silangan ng Bicol o tumawid sa Southern Luzon, bago kumurba pa-hilagang-silangan sa Central Luzon habang nakikipag-interact sa Shear Line.
Bagamat walang katiyakan pa rin ang magiging galaw nito lalo na sa weekend.
Samantala, patuloy na makakaapekto ang Amihan sa Northern at Central Luzon, habang ang Shear Line ay magdadala ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan sa Cagayan Valley at Aurora.
Simula naman sa Huwebes, posibleng kalat-kalat na pag-ulan ang mararanasan sa Caraga at Eastern Visayas, na mararanasan sa Bicol at Visayas pagsapit ng Biyernes.
Depende sa galaw ng posibleng bagyo, maaaring lumawak ang mga pag-ulan sa mas malaking bahagi ng Luzon sa weekend.
Kaugnay nito, ibinabala ang posibleng pagbaha at landslide.
Sa Metro Manila, inaasahang makakaranas ng maulap na panahon na may panaka-nakang araw at mahihinang ulan, ngunit maaaring maging maulan ang weekend kung tatawid ang sama ng panahon sa Luzon.
















