Isang Low Pressure Area (LPA) ang patuloy na mino-monitor ng PAGASA sa labas ng Philippine Area of Responsibility o PAR nitong Biyernes, Agosto 14.
Ayon sa PAGASA, ang LPA 08e ay hindi na inaasahang magiging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras.
Samantala, posible namang mabuo sa hilagang-silangang bahagi ng PAR ang panibagong LPA sa susunod na linggo.
Maaari aniya itong kumilos pakanluran at pumasok sa PAR, na posibleng magpalakas sa Southwest Monsoon o Habagat.
Nagbabala rin ang state weather bureau na maaaring makaranas ng mas malalakas na pag-ulan ang ilang bulubunduking lugar dulot ng hanging habagat.
Dahil dito, posibleng tumaas ang panganib ng pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na kung magpapatuloy ang mga pag-ulan.
Ayon sa PAGASA, karaniwang pinakamalakas ang epekto ng Habagat tuwing Agosto.
Patuloy na makakaranas ng pag-ulan dahil sa Habagat ang Zambales, Bataan, Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, CALABARZON, MIMAROPA, iba pang bahagi ng Central Luzon, at Antique.















