-- Advertisements --

LAOAG CITY – Nakapagtala ang Ilocos Region ng pinsala sa imprastraktura na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P200 milyon dahil sa habagat at sa mga nagdaang bagyo tulad ng Bagyong Luis at Maymay.

Ayon kay Mr. Freddie Evangelista, Information Officer II ng Office of Civil Defense – Region 1, batay sa pinakahuling datos ng kanilang tanggapan, nasa 60,394 na pamilya o 215,074 na indibidwal sa buong rehiyon ang naapektuhan ng habagat at ng mga nasabing bagyo.

Sinabi niyang nakaranas ng pagbaha ang 65 lugar, kung saan 687 pamilya o 1,991 indibidwal ang inilikas patungo sa mga evacuation center.

Iniulat din niya ang pagkamatay ng dalawang indibidwal bagaman bineberipika pa ang impormasyon, ang pagkakasugat ng dalawa pa sa lalawigan ng Ilocos Sur, at ang pagkawala ng isang tao sa Alaminos, Pangasinan.

Idinagdag pa niya na nag-anunsyo ng suspensyon ng klase at trabaho ang 125 paaralan at opisina dahil sa masamang panahon.