Isinusulong ni reelected Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, ang Speaker ng katatapos na 19th Congress, ang panukalang batas na naglalayong i-repeal ang E-GASTPE law at palitan ito ng isang mas malawak at mas tumutugong voucher system para sa mga mag-aaral at guro sa mga pribadong paaralan.
Inihain ni Romualdez ang ang panukalang Private Basic Education Vouchers Assistance Act o House Bill (HB) No. 4 sa pagbubukas ng 20th Congress nitong Lunes.
Layunin din nitong lumikha ng isang bagong Bureau of Private Education sa ilalim ng Department of Education na mangangasiwa sa pagpapatupad ng voucher subsidies, mga programang suporta para sa guro, at tulong para sa institutional development ng mga pribadong paaralan.
Sa ilalim ng panukala, ang mga kwalipikadong estudyante mula sa middle-income at mahihirap na pamilya ay bibigyan ng government-issued vouchers upang makapag-aral sa mga pribadong basic education schools kapag masyado nang masikip o walang magagamit na pampublikong paaralan sa kanilang lugar.
Magkakaiba ang halaga ng voucher depende sa kalagayang pangkabuhayan ng mag-aaral, kung saan bibigyan ng prayoridad ang mga pinaka-nangangailangan.
Kabilang din sa panukala ang pagtatatag ng Teachers’ Salary Subsidy Fund at In-Service Training Fund upang mapanatili at mapaunlad ang mga guro sa pribadong sektor, bilang tugon sa mga taong pagkakabawas ng mga guro dahil sa paglipat sa mas mataas ang sahod sa pampublikong paaralan.
Bukod sa vouchers para sa mga mag-aaral, binibigyan din ng kapangyarihan ng panukala ang DepEd na magbigay ng tulong sa antas ng paaralan tulad ng suporta sa pasilidad, curriculum development, at training para sa mga guro upang matiyak na mananatiling viable at competitive ang mga pribadong institusyon.