Iniutos ng Department of Transportation (DOTr) sa Light Rail Manila Corporation (LRMC) na magbigay ng compensation sa mga pasaherong nasaktan matapos magkaproblema ang escalator sa FPJ Station ng LRT-1.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, inatasan niya na ang LRMC na magbigay ng tulong at tiyaking maayos at ligtas ang mga pasilidad ng LRT-1 para sa kapakanan ng mga commuters.
Kasunod ito ng kinasangkutang aksidente sa istasyon kung saan isang babaeng pasahero ang dinala sa ospital para sa check-up ngunit nakalabas din umano sa loob ng dalawang oras, habang anim na iba pa ang ginamot sa istasyon.
Sa ngayon ay ligtas nang gamitin ang escalator na sinimulan noong umaga ng Agosto 16.
Iginiit naman ng DOTr na patuloy nilang tututukan ang LRMC upang maiwasan ang mga ganitong insidente sa hinaharap.