-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mas mahigpit na ipatutupad ang regular na monitoring sa mga private care facility sa buong bansa upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga residente, partikular na ng mga bata.

Inatasan na ang lahat ng field offices (FOs) na magsagawa ng masinsing inspeksyon at spot monitoring, lalo na sa case management. Kabilang dito ang pakikipanayam at focus group discussions sa mga bata upang malaman ang kanilang aktuwal na karanasan at sitwasyon sa loob ng mga pasilidad.

Sa ilalim ng setup ng ahensya, ang DSWD central office ang may responsibilidad sa pagproseso at pag-isyu ng certificates for registration, license to operate at accreditation ng social welfare and development agencies sa pamamagitan ng HELPS (Harmonized Electronic License and Permit System) online portal. Samantala, nakatuon ang mga field offices sa pagsubaybay sa pagsunod ng mga pasilidad sa itinakdang pamantayan tulad ng physical safety, financial management, staffing, at case management.

Ang hakbang na ito ay kasunod ng insidente sa isang residential care facility sa Pampanga, kung saan narescue ang 160 na mga bata matapos ang mga ulat ng physical, verbal, at psychological abuse, pagkakaroon ng fire hazards, mismanagement of funds, at hindi pagsunod sa regulatory standards ng DSWD.

Agarang inaresto ng Women and Children’s Protection Desk ng Pampanga Police at DSWD Field Office-Central Luzon ang isang Amerikanong pastor ang nagsisilbing director ng New Life Baptist Church of Mexico, Pampanga, Inc., dahil sa paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Kaugnay pa nito, iginiit ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na hindi ito katanggap-tanggap kaya naman sinigurado niya na papanagutin nila ang lahat ng sangkot dito. Makikipag-ugnayan na rin sila sa iba pang ahensya katulad ng Department of Justice at Bureau of Immigration para maging mabilis ang proseso ng pagpapanagot.